Biglaan
di ko inaasahan
agad-agad na lang
diwa ko’y nahibang
Biglaan
puso’y nahiwagaan
utak ay di na maituwid
kaluluwa’y tila tumagilid
Biglaan
akalain mo ba naman
nakakapanibago, nakakakilig
ang biglaang pagdapo ng pag-ibig
Biglaan
di ko inaasahan
agad-agad na lang
diwa ko’y nahibang
Biglaan
puso’y nahiwagaan
utak ay di na maituwid
kaluluwa’y tila tumagilid
Biglaan
akalain mo ba naman
nakakapanibago, nakakakilig
ang biglaang pagdapo ng pag-ibig
Akala ko matapang ako
noong nagpalit ako ng kurso
noong iniwan ko ang permanenteng trabaho
noong tumaya ako sa mga di sigurado
Akala ko matapang ako
handang makipagpalitan ng argumento
handang ibulalas ang opinyon ko
handang ihayag ang aking punto por punto
Akala ko matapang ako
ngunit may pagkakataong ganito
na sa iyo’y magpapabago
at maduduwag ang matapang na puso
Akala ko matapang ako
ngunit hindi sa mga sandaling ito
di ko kayang tumbasan ang tapang mo
di ko alam kung bakit tapang ko’y naglaho
Paano ba ang maging isang paksa?
Iyong ikaw mismo ang aalayan ng tula
Di ko na hahangarin ang sagot ng iba
Sapagkat, alam ko na, alam ko na.
Nasa iyo ang talino.
Mahilig bumangga kahit kanino,
babanat ng punto por punto.
Naghahanap ka ba ng away, o ano?
Nasa iyo ang tapang.
Di iiwas sa anumang anghang
na ibabato ng taong mangmang
na sa iyo ay pilit hahadlang.
Nasa iyo ang pusong may ipinaglalaban.
Hahamakin ang lahat para sa kagustuhan.
Bilang ng kaibigan man ay tuluyang malagasan,
sapagkat ikaw ay hindi magiging sunod-sunuran.
Sa kalawakan ako’y nakatanaw
sa mga tala na tila may patimpalak
sa paningningan, ng pakislapan
na gumaganyak sa mga matang sabik sa liwanag.
Nalulunod sa pagangkin ng buwan
ng tanawin na kukunin ni haring araw
pagdating ng naitakdang panahon
kung saan ang itim ay magiging kulay asul.
Sumasayaw ang aking diwa
na walang hanggang dumadaloy sa saliw
ng hanging kay lamig na tumatagos hanggang sa buto
at tila bumabagay sa klima ng pusong pagod.
Mahal Kita
mula ulo hanggang paa,
hanggang sa kaibuturan ng kaluluwa
at sa kalooblooban ng diwa
Mahal Kita
sa gabi man o umaga,
mapapikit man o dilat ang mata
walang tatalo sa iyong ganda
Mahal kita
at ikaw ay aking naalala
sa panahong pabigla bigla
at palagi na lang sa tuwi-tuwina
Mahal kita
kahit na hindi ko nakikita
ang totoong pakay mo sinta,
bakit ba ako nagpapakatanga?
Kasi nga
kahit ano pa sabihin nila
Alam kong alam mo na
Mahal kita
Ikaw ang nagiisang tiyak
Sa mundong mapanlinlang at di payak
Ikaw ang kaisaisang pag-asa
Sa mundong puno ng duda
Ikaw ang siyang sugo
na magwawaksi ng mga gulo
na nangyayari sa utak at kalooblooban
at kahit anong pilit ay di maiwasan
Ikaw ang tanging ibig
na sinisigaw ng bawat pintig
ng pusong pagod na
na nagnanais na magpahinga
Mahal ko, ikaw ang aking tula
na bumubuhay sa mga diwa
Ikaw na pinapangarap ko nang matagal
sana naman ako rin ay iyong mahal